Pilipino Star Ngayon
February 27, 2025 | 12:00am
LOS ANGELES — Humakot si Luka Doncic ng triple-double na 19 points, 15 rebounds at 12 assists para tulungan ang Lakers sa 107-99 pagdaig sa Dallas Mavericks.
Ito ang unang pagsagupa ni Doncic sa dati niyang koponang Dallas (31-28) matapos ang blockbuster trade sangkot si Anthony Davis na binigyan ng video tribute sa kanyang pagbabalik sa Los Angeles (35-21).
Iniskor ni LeBron James ang 16 sa kanyang 27 points sa fourth quarter para sa ikatlong sunod na panalo ng Lakers at ika-13 sa huling 16 laro.
Itinala ng Los Angeles ang isang 16-point lead sa second period bago nakalapit ang Dallas sa 67-70 sa third quarter sa likod ni Irving.
Ngunit kumamada si James sa final canto para sa panalo ng Lakers.
Sa Toronto, umiskor si Jaylen Brown ng 24 points sa 111-101 panalo ng nagdedepensang Boston Celtics (42-16) sa Raptors (18-40).
Sa Orlando, naglista si Ty Jerome ng 20 points sa 122-82 pagtuhog ng Cleveland Cavaliers (48-10) sa Magic (29-31).
Sa San Francisco, naglista sina Stephen Curry at Draymond Green ng tig-15 points sa 128-92 paggiba ng Golden State Warriors (31-27) sa Charlotte Hornets (14-43) para sa kanilang ika-3,000 franchise victory.