Dahil sa bintang na pagnanakaw
CAVITE , Philippines — Patay ang isang misis matapos tagain ng bolo ng kanyang kapitbahay nang kanyang pagbintangang nagnakaw umano ng kanyang mga nawawalang kagamitan, kamakalawa sa Brgy. 4 Maduya, Carmona City, dito sa lalawigan.
Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na kinilala sa alyas “Mame”, residente ng nasabing lugar.
Tumakas naman ang suspek na kinilala sa alyas “Boy”, matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ng pulisya, alas-4:15 ng madaling araw nang muling magtalo ang magkapitbahay na kapwa maagang nagsigising.
Bago ang insidente, may nauna nang pag-aaway ang dalawa na naipa-blotter pa sa kanilang barangay.
Ayon sa ulat, pinagbintangan umano ng biktima ang suspek na siyang nagnakaw ng mga gamit nito.
Kinabukasan umano, nagkaroon muli ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa bumunot na ng bolo ang nairitang suspek at inundayan ng taga ang biktima saka mabilis na tumakas.
Agad namang naitakbo sa pagamutan ang ginang subalit hindi na naisalba pa ng doktor ang kanyang Buhay.
Isang manhunt operation na ang ikinasa ng Carmona Police laban sa suspek.
