COTABATO CITY, Philippines — Patay ang mag-asawa at kanilang dalagang anak nang pasukin at pagbabarilin ng isang salarin sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Bolong, Zamboanga City nitong Biyernes ng gabi.
Sa magkahiwalay na ulat nitong Sabado ng Police Regional Office 9 at Zamboanga City Police Station 3, agad namatay sa maselang mga tama ng bala ang mga biktima na kinilalang sina Rodel Tarroza Espinosa, 44, ang kanyang kabiyak na si Jenny Enriquez Espinosa, 43, at kanilang 19, na dalagang anak, na pawang natagpuang nakahandusay sa loob ng kanilang tahanan ng mga pulis at barangay officials na nagresponde sa insidente.
Basta na lang pumasok ang lalaking armado ng pistol sa bahay ng mga biktima sa Entrada Mangga Bolong sa Barangay Bolong at agad silang pinagbabaril ng halinhinan, ayon sa mga kinauukulan.
Mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa tatlong biktima gamit ang mga pistol, na ngayon ay pinaghahanap na ng mga operatiba ng iba’t ibang units ng Police Regional Office 9 at mga tropa ng militar mula sa Western Mindanao Command.
Agad na kinondena ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso ang insidente kasabay ng pagtiyak ng kanyang suporta sa pagresolba ng naturang krimen.
May direktiba na rin si Olaso sa mga barangay officials sa Bolong na makipagtulungan sa mga opisyal ng Zamboanga City Police Office sa pagkilala sa mga responsable sa naturang krimen upang agad na masampahan ng kaukulang mga kaso.
