MANILA, Philippines — Patay ang isang Russian national at lifeguard na nagtangkang sumagip dito matapos na tangayin ng malakas na alon at higupin sa malalim na bahagi ng karagatan sa Puka Beach Resort sa Brgy. Yapak, Boracay Island, Malay, Aklan kamakalawa.
Sa ulat , kinilala ang nasawing lifeguard na si Rex Pablo Aguirre, na narekober ang bangkay matapos na lumutang sa dagat, dakong alas-10 ng gabi.
Nasawi rin ang Russian national na hindi pinangalanan na tinatangkang sagipin ng nasabing lifeguard.
Bandang alas-11 ng umaga nang mangyari ang insidente matapos namang tangayin sa malalim na bahagi ng karagatan ang nasabing Russian national.
Sa pahayag ng mga
kasamahan ni Aguirre, wala itong suot na lifejacket dahil sa pagmamadaling lumusong sa tubig upang sagipin ang Ruso na nagkakawag habang nalulunod.
Sa isang radio interview, sinabi ni Brgy. Yapak Chairman Hector Casidsid, may sapat na training ang nasabing lifeguard, pero sa pagmamadali ay agad sumisid at lumangoy patungo sa kinaroroonan ng nalulunod na Russian.
Nang marating ang kinaroroonan ng dayuhan, nanguyapit siya sa lifeguard kung saan kapwa sila nilamon ng dagat at nalunod.
Nagawa namang maiahon ng sumaklolong mga elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasabing Russian, pero binawian din ng buhay habang ang katawan ng lifeguard ay narekober sa dagat, 10 oras matapos ang insidente.