4 magkakaibigan nahulog sa lawa, 1 utas sa pagsagip!


CAVITE, Philippines — Wala nang buhay nang maiahon ang katawan ng isang tinedyer nang malunod dahil sa pagliligtas sa kanyang tatlong kaibigan na kasama niyang nahulog sa lawa, kamakalawa ng hapon sa Don Bosco Sitio Lawa, La Trinidad Subdivision sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City.

Sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktimang si alyas “John”, 18-anyos, kasama ang mga kaibigan nito sa lugar nang aksidente silang mahulog sa nasabing lake.

Dahil sa may kalaliman ang tubig sa lawa, pawang nahirapang makaahon ang apat na magkakaibigan.

Nagawa pa umanong mailigtas ni John ang tatlong kaibigan na nagkakawag sa tubig subalit sa kasamaang palad ay napadpad ang biktima sa malalim na bahagi ng lawa at tuluyang lumubog.

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang awtoridad upang sagipin ang biktima pero makalipas ang may mahigit sa isang oras, narekober ang katawan nito sa pinakamalalim na bahagi ng lawa.

Agad itinakbo sa General Emilio Aguinaldo Hospital si John subalit hindi na naisalba pa ang kanyang buhay.