OLONGAPO CITY, Philippines — Dalawang paslit ang natagpuan na wala nang buhay sa loob ng isang sirang sasakyan nang nakulong doon sa gitna ng matinding init ng araw sa Barangay Barretto, Olongapo City, kamakalawa.
Sa paunang imbestigasyon ng Olongapo Police, naglalaro umano ang dalawang batang lalaki na parehong 4-anyos sa tabi ng nakaparadang sasakyan nang maisipan nilang pumasok sa loob nito nang hindi napansin ng kanilang pamilya.
Sa kasamaang palad, hindi na nagawang makalabas pa ang dalawang bata dahil nahirapan nilang buksan ang pinto mula sa loob ng kotse.
May ilang oras ding hinahanap ng kanilang pamilya ang dalawang bata hanggang sa sila ay makita sa loob ng sasakyan na kapwa nakalugmok na.
Agad silang sinaklolohan at inilabas sa kotse saka mabilis na isinugod sa ospital.
Gayunman, idineklarang dead-on-arrival ang isang bata habang ang kanyang kalaro ay namatay habang binibigyan ng paunang lunas sa ospital.
Pinaniniwalaan na dahil sa matinding init at suffocation sa loob ng sasakyan ang naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang bata.