LA TRINIDAD, Benguet , Philippines — Tinatayang nasa P6.7 million na halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar sa Cordillera kamakalawa.
Ayon sa report ng Police Regional Office–Cordillera (PRO-CAR), ang mga iligal na droga ay nasamsam sa mga operasyon sa lalawigan ng Benguet, Kalinga, at Mountain Province.
Umabot sa 6,500 na fully grown marijuana na tinatayang nasa P1.9 million na halaga ang binunot at winasak ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet.
Nasa 24,000 na puno naman ng marijuana na nasa P4.8 milyong halaga ang winasak din sa mas malawak na plantasyon sa Tinglayan, Kalinga.
Samantala, nakumpiska ang nasa 7.17 grams ng shabu na may P48,756 na halaga matapos madakip sa isang drug buy-bust operation ang 49-anyos na high-value individual sa Barangay Poblacion, Tadian Mountain Province.
Ang magkakahiwalay na operasyon ay isinagawa sa tulong ng iba pang ahensiya ng gobyerno at ng Philippine Drug Enforcement Agency.
