Gold seller binaril ng ka-eyeball na buyer


CAVITE — Sugatan matapos na mabaril ang isang 31-anyos na lala­king nagbebenta ng gold na alahas nang maki­pagkita sa katransaksyon nito sa isang buyer sa online kamakalawa ng gabi sa Brgy. Puting Kahoy, Silang, dito sa lalawigan.

Inoobserbahan sa ospital ang biktima na kinilala sa alyas “Allen”, 31-anyos, binata, ng Brgy. BF Espiritu, Bacoor City, Cavite.

Base sa ulat, alas-6:30 ng gabi, nagtungo ang biktima sa Calaca Road, Brgy. Puting Kahoy upang makipag-meet up sa isang buyer na naka-transact nito sa Facebook.

Ipinost ng biktima ang kaniyang 55- grams na gold bracelet na nagkakahalaga ng P400,000 sa Facebook upang ibenta. Dito ay nag-message ang isang buyer hanggang sa magkasundo silang magkita sa isang lugar na ang suspek ang nagsabi.

Nagtungo rito ang biktima kasama ang isang kaibigan sakay ng ­single na motorsiklo. Gayunman, pagdating sa napag-usapang lugar, hindi umano sumipot ang suspek kung kaya nagpasya na silang umalis. Pero habang bumabagtas sila paalis sa lugar, dalawang putok ng baril ang umalingawngaw at naramdaman na lamang ng biktima na may tama siya sa kanang kamay.

Dito na agad nagmadaling umalis sa lugar ang biktima at kasama nito saka humingi ng tulong.