12-anyos nene lumangoy ng higit 2 oras para masagip pamilya


Bangkang sinasakyan tumaob

MANILA, Philippines — Nagsilbing bayani ang isang 12-anyos na batang babae sa ipinamalas nitong­ kamangha-mang­hang determinasyon na lumangoy nang mahigit dalawang oras sa dagat para makarating sa pampang at makahingi ng tulong upang sagipin ang mga miyembro ng pamilya nang tumaob ang kanilang sinasak­yang bangka sa Culasi, Antique, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kinilala ang matapang na bata na si Cherry Ann Mateo.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Mayo 6 ng umaga habang si Mateo at mga miyembro ng pamilya nito saka iba pa ay lulan ng bangkang de motor na galing­ sa Brgy. Poblacion, Culasi at pabalik na sa Batbatan Island. 

Binayo nang malakas na hangin at hampas ng mga alon ang bangkang sinasakyan nina Mateo bunsod upang tuluyan itong pasukin ng tubig hanggang sa lumubog.

Sa halip na maghintay ng walang katiyakan para sa rescue, naglangoy ang bata sa dagat pabalik sa pampang ng Batbatan Island para makahingi ng tulong sa mga opisyal doon. Ang bata ay anak ng mangingisda na halos lumaki na sa tabing dagat at natutong lumangoy at sumisid sa dagat sa murang edad pa lamang.

Nagresponde naman ang rescue team katuwang ng mga lokal na mangingisda at nasagip sina Patricio at Rose Salvador habang nangu­ngunyapit sa bahagi ng tumaob na bangka na nagpalutang-lutang sa karagatan ng bayan ng Libertad habang si Dante Salvador ay nailigtas naman nang mapadpad malapit sa Maningning Island.

Kaugnay nito, iniha­yag ni Mel Legaspi, Ope­rations chief ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na kanilang irerekomenda  sa lokal na pamahalaan na kilalanin ang “herocic act” o ipinakitang kabayanihan ng batang babaeng si Mateo.

Inihayag pa ni Legas­pi na mismong ang mga bihasang rescuers ay mahihirapang makaligtas sa paglalangoy ng mahabang oras sa hindi magandang kondisyon ng dagat.