Obrero patay sa sumabit na body harness sa power plant


MARIVELES, Bataan, Philippines — Nasawi ang isang construction worker matapos maaksidente habang nagtatrabaho sa loob ng isang power plant sa Barangay Alas Asin, ng bayang ito, kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Marco Puno, binata, empleyado ng Gega Constructor, tubong Pampanga at residente ng Brgy. Alas Asin, Mariveles ng nabanggit na lalawigan.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:12 ng hapon, habang abalang nagtatrabaho ang biktima malapit sa isang overhead machine crane sa Seawater Intake Pump House sa loob ng pasilidad ng GN Power nang mangyari ang trahedya.

Lumalabas na sumabit ang suot na body harness ng biktima sa hoist cable ng crane dahilan upang pumulupot ito sa kanyang katawan.

Agad namang rumesponde ang security at safety teams ng kumpanya at ipinatupad ang mga emergency procedure upang mailigtas ang manggagawa.

Dakong alas-4:18 ng hapon nang matagumpay na maibaba at marespondehan ang biktima saka isinugod sakay ng ambulansya sa Bataan General Hospital sa Balanga City. Gayunman, idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang posibleng pananagutan ng mga namamahala ng power plant sa insidente.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng planta habang isinusulat ang balitang ito.