August 24, 2026 | 12:00am
Ramdam nating lahat na hati ang ating bansa. Malaki ang papel ng Communist China sa pagpapaksyon-paksyon natin.
Babala ito ni National Security Expert Rafael Alunan. Dati siyang Secretary of Interior and Local Government at aktibong Marine reservist.
Apat na pwersa ang kumikilos, ani Alunan:
• Populistang Subersibong Paksyon (Duterte Bloc) – Ito ang pinakamalakas na pwersa. Kinokontra nito ang paglapit ng administrasyon sa Amerika. Pakay nito ibalik ang Pilipinas sa pagkasipsip at dungo sa Beijing. Pinalalabas nito na ang pagdepensa sa sobereniya ay pag-uudyok ng digmaan at nakakasama sa ekonomiya. Pinalalabas nito na malawak ang galit ng mamamayan sa admin.
• Prenteng Simbahan (Iglesia Ni Cristo) – Pambansang simbahan ang INC. Pero ginagamit nito ang bloc voting panuporta sa mga politikong maka-Beijing. Malimit ito manawagan ng malakihang demonstrasyon sa ngalan ng sampalataya. Pero nayuyugyog ang gobyerno. ‘Yon ang nais ng Beijing.
• Sistema ng Paniniktik – Ginagamit ang local governments para manmanan ang mga kampo militar, karagatan, at imprastrakturang patubig, enerhiya, at transportasyon. Ehemplo si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac. Ang POGO niya ay malapit sa Basa Airbase, Clark Airbase, Subic Naval Base, Fort Magsaysay, at Camp Servillano Aquino.
(Idagdag ko pa ang paghawak dati ng magkapatid na Catanduanes governor at vice governor na maka-China. At ang pananatili ng Zambales governor na maka-China rin.)
• Propagandang Ideolohiya sa Media – Kinukumpasan ng Chinese Embassy ang ilang komentarista, kolumnista, mamamahayag, at patnugot para isulong ang linya ng Beijing. Kasama rin ang umano’y think tank na Integrated Development Studies Institute. Mensahe nila: tuta ang Pilipinas ng Amerika na pinag-aaway tayo at China.