September 7, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasagip ang 18 sakay ng isang bangkang-de motor na kalahati na ang nakalubog sa dagat, sa karagatan ng Calayan, Cagayan, noong Setyembre 5, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Isinagawa ng mga tauhan ng Coast Guard Station (CGS) Calayan ang rescue operation, katuwang ang mga lokal na rescue volunteer dakong alas-4:56 ng hapon ng Sabado, sakay sila ng M/B Claricel, matapos maiulat na kalahating lubog ang motorbancang “Geri Ann”, sa 4.60 nautical miles timog-silangan ng Barangay Magsidel.
Ligtas ang pitong tripulante at 11 pasahero at tagumpay rin na nahila ang bangkang Geri Ann patungo sa dalampasigan ng Barangay Magsidel.
Ang mga nasagip ay dinala sa Calayan Rural Health Unit bandang 7:15 ng gabi para sa medical assessment, kung saan napag-alamang nasa maayos na kondisyong pisikal ang lahat.