Gin Kings gusto nang bumiyahe sa Finals


MANILA, Philippines — Ang masikwat ang u­nang finals berth ang pakay ng Barangay Ginebra habang gusto ng Rain or Shine na pahabain ang serye ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup semifinals series.

Sasagupain ng Gin Kings ang NorthPort Batang Pier ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pakikipagtuos ng Elasto Painters sa TNT Tropang Giga sa alas-7:30 ng gabi sa Game Four sa Smart Araneta Coliseum.

Bitbit ng Ginebra ang 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven semis showdown ng NorthPort matapos manalo sa Game One, 115-93, sa Game Two, 119-106, at sa Game Three, 127-100.

“The series is not over. We’ll just ride the wave as long as we can. Hopefully, right through the Finals and into the championship,” ani Gin Kings coach Tim Cone sa target na ika-32 finals stint asam ang pang-16 korona.

Sa kabila ng pagkakahulog sa 0-3 butas ay kumpiyansa pa rin si Arvin Tolentino na makakakuha ng panalo ang Batang Pier.

Ang San Miguel lamang ang tropang nakabangon mula sa isang 0-3 deficit matapos resbakan ang Alaska, 4-3, noong 2015-16 Philippine Cup Finals.

Muling aasahan ng Ginebra sina import Justin Brownlee, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Scottie Thompson at RJ Abarrientos katapat sina Tolentino, import Kadeem Jack, Joshua Munzon, William Navarro at Fran Yu ng NorthPort.

Sa ikalawang laro, determinado ang Rain or Shine na maitabla sa 2-2 ang kanilang serye ng TNT matapos agawin ang Game Three, 103-98, para sa 1-2 agwat.