MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng grupo ng mga magsasaka partikular ang Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc (AGAP) Partylist na dapat kasuhan ang mga sangkot sa pagpupuslit ng P202-milyong frozen mackarel sa bagong batas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon kay AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, kung siya ang tatanungin pasok ito sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na non-bailable, lifetime imprisonment, 5 times ang multa at dapat nakakulong ang mga sangkot dito at malinaw na sakop ito ng naturang batas.
“Dapat ang enforcement group ng Economic Sabotage Council tulad ng NBI, PNP at Philippine Coast Guard ang manguna sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga nahuling kargamento para magkaalaman na,” wika ni Briones.
Sinabi ng Customs na nagpalabas sila ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa Section 1113 kaugnay ng Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon kay Briones, dapat kasuhan ng Customs ang mga salarin sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at hindi sa CMTA dahil wala namang nakukulong simula nang maging batas ito dahil Customs ang nag-iimbestiga at nagpapa-file ng kaso. Aniya, maniniwala ang marami na hindi magkakalakas ng loob ang mga smuggler kung walang kasabwat sa loob ng Customs.
Aniya, bakit hindi i-turn over ng BOC sa NBI o Economic Sabotage Council ang kaso nang kaagad makulong ang mga nahuling smuggler.
Sa kabila nito, pinuri naman ni Briones ang ginawang pagpupursige nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Asec. Domingo Panganiban para imbestigahan ang nasabat na 19 fourty-foot container na frozen mackerel na misdeclared bilang frozen fried taro na naka-hold sa BOC simula pa noong Enero 20, 2025.