5 patay sa salpukan ng 2 motorsiklo!


MANILA, Philippines — Lima katao ang kumpirmadong patay matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Barangay Road, Brgy. Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato.

Ayon kay Jed Pa­trick Loreno, Emergency Medical Technician Team Leader ng  Tupi, nangyari ang aksidente bandang alas-9:12 ng gabi nitong Linggo.

Lumalabas sa imbestigasyon na sakay ng itim na XRM 125 motorcycle sina alyas “Boy,”  20, obrero, ng Brgy. Crossing Rubber, Tupi; “Darel,” 19 at “Ikay,” mula Brgy. Cebuano habang sakay naman ng itim na motorsiklong Rusi 125 sina “Christian,”  20 at  “John”, 14.

Sina alyas Boy at alyas Christian ay kapwa walang lisensiya o OR/CR nang mangyari ang aksidente.

Nabatid na patu­ngong Brgy. Cebuano ang XRM 125 habang patungo sa Brgy. Cros­sinng Rubber ang Rusi na kapwa mabilis ang takbo.

Nang makarating sa Barangay Road, nawalan ng kontrol si “Christian” at napunta sa lane ni “Boy” na nagresulta ng matin­ding banggaan sanhi ng agarang pagkamatay ng limang nabanggit na biktima matapos na magkala­sug-lasog ang kanilang katawan.