MANILA, Philippines — Naging mitsa ng kapahamakan ng isang mister ang pagyayabang nito na “bullet proof” ang kaniyang katawan matapos na barilin ng kaniyang kainuman sa Brgy. Acacia sa lungsod ng Davao nitong Lunes ng madaling araw.
Ang biktima na si Victor Hernale, 50, ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa tuhod na isinugod sa Southern Philippines Medical Center para malapatan ng lunas.
Sa report ng Davao City Police, Lunes ng madaling araw habang nag-iinuman ang biktima at suspect na si alyas “Dario” at ilang kasamahan nang magyabang ang una na “bullet proof” ang kaniyang katawan at protektado umano siya sa bala.
Dahil dito, kumuha ng airgun ang suspect na gamit nito sa pamamaril ng ibon at pinaputukan ng dalawang beses ang biktima na sa tuhod na kanyang ikinabagsak saka tumakas ang huli.
Sa rekord ng pulisya, ang suspect ay dati nang nahaharap sa kasong frustrated homicide, illegal possession of firearms sa ilalim ng Republic Act 10591 at paglabag sa Comelec gun ban.