MANILA, Philippines — Pipilitin ng TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra na itiklop ang kani-kanilang semifinals series para itakda ang finals rematch sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Sasagupain ng Tropang Giga ang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pakikipagtuos ng Gin Kings sa NorthPort Batang Pier sa alas-7:30 ng gabi sa Game Five sa Smart Araneta Coliseum.
Inilista ng TNT ang 3-1 bentahe sa kanilang best-of-seven semis showdown ng Rain or Shine matapos ang 93-85 panalo sa Game Four.
“We talked about it and we know that it’s going to be a very difficult series for us,” ani Tropang Giga coach Chot Reyes. “But like I said, we’re very grateful to be in this position, grateful that we get to do this.”
Ang makalapit sa 2-3 ang hangad ng Elasto Painters para mapahaba ang serye.
“Hindi pa naman tapos, may Friday pa,” sabi ni Guiao. “We’ll watch film, do walkthroughs, see adjustments. Hindi pa tapos ito, definitely hindi pa tapos ito.”
Matapos mabigong makumpleto ang four-game sweep ay tatangkain ng Ginebra na tapusin ang kanilang duwelo ng NorthPort na inagaw ang Game Four, 108-103.
Tumapos si Tolentino na may 20 points, 11 assists at 9 rebounds sa Game Four at humakot si import Kadeem Jack ng 39 points, 15 boards at 5 assists.
Umiskor lamang si import Justin Brownlee ng walong puntos sa first half at 10 marka sa second half sa panig ng Gin Kings.
