MANILA, Philippines — Tinapos ng Chery Tiggo ang apat na dikit na kamalasan matapos talunin ang Nxled, 25-22, 26-24, 25-12, sa play-in tournament ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw sina Cess Robles at Ara Galang ng tig-15 points at may 14 markers si Shaya Adorador para sa 1-0 record ng Crossovers sa Pool B na kinabibilangan ng Chameleons at Farm Fresh Foxies.
“Sobrang proud ako sa team namin na talagang nakikita namin na iyong isa’t isa na gustong ilaban iyong pinagpaguran namin every training at iyong effort nila coach na ipi-feed sa amin iyong lahat ng gagawin namin,” ani Adorador.
Ang top team sa single round robin sa Pool B ang hahamon sa nagdedepensang Creamline sa best-of-three quarterfinals series.
Kailangan na lamang ng Chery Tiggo na manalo sa Farm Fresh sa Martes para makumpleto ang group sweep papasok sa quarterfinals.
“Napagkuwentuhan din namin na dapat nandun ‘yung killer instinct namin sa laro and ‘yun nga, ‘yung confidence namin para madala namin sa next game nakita ko rin kanina,” dagdag ni Robles.
Umiskor si EJ Laure ng 15 points para pamunuan ang Nxled na nahulog sa ikaapat na sunod na kabiguan habang may 12 markers si Chiara Permentilla.
Si Robles ang humataw sa huling dalawang puntos ng Crossovers sa first set para kunin ang 25-22 panalo habang nagmula kay Adorador ang huling dalawang atake sa second frame na nagbaon sa Chameleons sa 0-2.
