Lady Blazers sumalo sa liderato


MANILA, Philippines — Kumapit sa tuktok ng team standings ang defending champion College of Saint Benilde matapos walisin ang San Sebastian College-Recoletos, 25-20, 25-13, 25-21 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa LPU Gym sa Intramuros, Manila, kahapon.

Nagtambalan sina Wielyn Estoque at Clydel Mae Catarig upang tulungan ang Lady Blazers na ilista ang malinis na tatlong pa­nalo at saluhan sa No. 1 spot ang University of Perpetual Help System Dalta.

Tumikada si Estoque ng 15 points mula sa 14 attacks at isang service ace habang 12 ang kinana ni Catarig para sa Taft-based squad na pakay na ikahon ang pang-apat na sunod na titulo.

Bumakas din si Zamantha Nolasco ng 11 points kasama ang anim na blocks para sa Lady Blazers na sunod na makakalaban ang Letran bukas.

Pinangunahan ni K­a­therine Santos ang opensa para sa Lady Stags sa nirehistrong 12 markers habang 10 ang nilista ni Christine Marasigan pero hindi sapat para akbayan sa panalo ang kanilang koponan.

Nalaglag sa pang-apat ang San Sebastian, kasalo nila ang Arellano University, mag-isa sa No. 3 ang Letran na may 2-0 record.