MANILA, Philippines — Nakatuon ang defending champion National University sa pagkadena ng pang anim na sunod na panalo sa pagsagupa nila sa matikas din na Adamson University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, ngayong araw.
Magsisimula ang banatan ng Lady Bulldogs at Lady Falcons sa ala-1 ng hapon, sunod ang paluan sa pagitan ng De La Salle University at Ateneo sa alas-3 ng hapon.
Muling kakapitan ni NU head coach Sherwin Meneses ang power duo nina former Rookie-MVP Bella Belen at 6-foot-2 opposite spiker Alyssa Solomon para mailista nila ang inaasam na 6-0 karta at manatiling mag-isa sa tuktok ng team standings.
Maliban kina Belen at Solomon, huhugot din ng puwersa ang Lady Bulldogs kina Erin Mae Pangilinan, Alexa Nichole Mata at Evangeline Alinsug.
Sa huling panalo ng NU, dinomina nila ang University of the Philippines matapos walisin sa tatlong sets, 25-13, 25-23, 25-22 noong Marso 9.
Pero posibleng mapalaban ang Lady Bulldogs bago makuha ang minimithing six-game winning streak ito’y dahil makakalaban nila ang pambato ng Adamson na si super rookie Shaina Nitura.
Hawak ang kartang 2-3 at nasa pang-lima sila sa team standings sa event na may eight- team double round robin.