Lady Altas nagsolo sa itaas


MANILA, Philippines — Muling nasolo ng Uni­ver­­sity of Perpetual Help System DALTA ang top spot matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College, 25-18, 25-16, 25-18, sa NCAA Season 100 wo­men’s volleyball tournament kahapon sa Arellano Gym sa Legarda.

Iniligpit ng Lady Altas ang Lady Ge­nerals sa loob ng isang oras at 16 minuto para ilista ang malinis na pang-limang sunod na pa­nalo.

Tumikada sina Winnie Bedana at Daizerlyn Joyce Uy ng tig-12 points, habang 10 ang ambag ni Shaila Allaine Omipon para sa Per­petual Help na ipinalasap sa EAC ang ikaapat na kabiguan sa limang salang.

Pakay ng Lady Altas na pahabain ang kanilang winning streak sa anim pag­harap nila sa San Se­bastian Lady Stags sa Hu­­webes.

Tiyak na mapapalaban naman ang Lady Gene­rals sa susunod nilang laro sa Letran La­dy Knights.

Nasa pangalawang pu­­westo ang Lady Knights ha­wak ang 4-0 baraha.

Samantala, pinagulong ng Mapua Lady Cardinals ang Arellano Lady Chiefs, 14-25, 25-23, 25-17, 25-22, sa unang laro.

Lumiyab ang opensa nina Alyana Nicole Ong, Freighanne Seanelle Garcia at Raissa Janel Ri­ca­­blanca para tulungan ang Lady Cardinals na ire­histro ang 3-2 kartada.