Back-to-back wins puntirya ng Ateneo sa Adamson


MANILA, Philippines — Puntirya ng Ateneo De Manila University na ikadena ang unang back-to-back wins sa UAAP Season 87 volleyball tournament.

Makakalaban ng Blue Eagles ang Adamson University sa ala-1 ng hapon sunod ang bakbakan sa pagitan ng De La Salle University at University of Sto. Tomas sa alas-5 ng hapon.

Maliban sa winning streak, pakay din ng taga- Katipunan na kumalas sa two-way tie sa No. 6  upang mapaganda ang kanilang baraha at manatiling may tsansa sa asam na makapasok sa final four.

Dinagit ng Blue Eagles ang 15-25, 25-23, 27-25, 30-32, 16-14 panalo laban sa University of the Philippines noong Marso 22.

Magkaparehong karta ang Ateneo at Adamson tangan nila ang tig-3-5 records habang mag-isa sa tuktok ng team standings ang defending champion National University, (8-1).

Kakapitan ni Blue E­agles head coach Sergio Veloso sina Lyann Marie Loise De Guzman, Alexis Ciarra Miner at Zey Mitzi Pacia para masikwat ang panalo sa tigasin ding Lady Falcons.

Ihaharap ng Lady Falcons ang super rookie nilang si Shaina Marie Nitura para tapatan ang mga pambato ng Ateneo.