MANILA, Philippines — Nilipad ng Ateneo ang pangatlong sunod na panalo matapos nilang igupo ang Adamson University, 25-23, 25-14, 25-23, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Nagsabwatan sa opensa sina Alexis Ciarra Miner, Lyann Marie Loise De Guzman at Zey Mitzi Pacia para ikahon ng Blue Eagles ang unang back-to-back wins sa second round at makabawi na rin sa Lady Falcons.
Dinagit ng Lady Falcons ang Blue Eagles, 21-25, 20-25, 25-12, 25-15, 15-12 sa first round sa limang sets noong Pebrero 16.
Bumomba si Miner ng 13 points mula sa 10 kills, dalawang service aces at isang block habang may 12 at 10 markers ang inambag nina De Guzman at Pacia, ayon sa pagkakasunod para sa Ateneo na mayroon ng 4-5 karta at sumalo na ito sa No. 5 sa team standings kasama ang University of the Philippines.
Solo pa rin sa tuktok ang defending champion National University na sakmal ang 8-1 card.
Bago ang second round ay naipanalo ng Ateneo ang huling nilang laro sa first round laban sa naghihingalong University of the East.
Tumikada si super rookie Shaina Marie Nitura ng 21 markers kasama ang 21 kills at isang block pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang Adamson.
Lumagapak sa seventh place ang Lady Falcons hawak ang 3-6 baraha.