National University maagang nagising | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Maagang nagising ang National University matapos lumasap ng kabiguan sa kamay ng University of the Philippines noong nakaraang linggo sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.

Kaya naman hindi na hinayaan pa ng Lady Bulldogs na maulit pa ito.

Inilabas ng NU ang bangis nito upang pigilan ang Far Eastern University sa paghahabol nito at makuha ang 25-22, 24-26, 26-24, 25-18 panalo.

Matatag ang kapit ng Lady Bulldogs sa solong pamumuno tangan ang 9-1 rekord.

Pangunahing naging sandalan ng Lady Bulldogs si Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon na humataw ng season-high 30 points kabilang ang 26 attacks.

“Maganda rin na nangyari yung natalo kami sa UP kasi naging wake-up call siya sa amin na hindi kami dapat maging complacent kahit kami ang number one,” ani Solomon.

Matapos ang laro, mabilis itong kinalimutan ng Lady Bulldogs upang mu­ling maibalik ang bangis sa kanilang mga mata.

Kabilang sa mga tinutukan ng NU ang floor defense kung saan nagtala ito ng 61 digs at 38 receptions kontra sa FEU.