Celtics sinunog ng Heat | Pilipino Star Ngayon


BOSTON — Kumamada si Tyler Herro ng 25 points sa 124-103 pagsunog ng Miami Heat sa nagdedepensang Celtics at hatawin ang ikaanim na sunod na panalo.

Umiskor si center Bam Adebayo ng 21 points para sa Miami (35-41) na tinapos ang nine-game winning streak ng Boston (56-20).

Naituloy ng Heat, nahulog sa isang 10-game losing slump, ang kanilang ratsada bagama’t hindi naglaro sina Andrew Wiggins (hamstring), Duncan Robinson (back) at Kevin Love (personal reasons).

Bumira si Jaylen Brown ng 24 points kasunod ang tig-16 markers nina Jayson Tatum at Derrick White para sa Celtics na nabaon sa isang 22-point deficit bago nakalapit sa 87-91 sa fourth quarter.

Naghulog ang Miami ng isang 22-9 bomba para selyuhan ang pagdaig sa Boston.

Sa Oklahoma City, humataw si Shai Gilgeous-Ale­xander ng 33 points para banderahan ang Thunder (64-12) sa 119-103 pagdispatsa sa Detroit Pistons (42-34).

Sa Cleveland, kumana si Donovan Mitchell ng 27 points sa 124-105 pagtusok ng Cavaliers (61-15) sa New York Knicks (48-28).

Sa California, umiskor si Kawhi Leonard ng 28 points at tumipa si James Harden ng 21 points at 10 assists sa 114-98 paglunod ng Los Angeles Clippers (44-32) sa New Orleans Pelicans (21-55).

Sa Houston, naglista si Fil-Am Jalen Green ng 22 points sa 143-105 paggiba ng Rockets sa Utah Jazz.