Title defense sisimulan ng Meralco vs Converge


MANILA, Philippines — Bubuksan ng Meralco ang pagdedepensa sa kanilang korona sa pagsagupa sa Converge sa Season 49 PBA Philippine Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Lalabanan ng Bolts ang FiberXers ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Terrafirma Dyip at Phoenix Fuel Masters sa alas-5 ng hapon.

Parehong minalas ang Meralco at Converge sa nakaraang Commissio­ner’s Cup na pinagharian ng TNT Tropang Giga laban sa Barangay Ginebra.

Sibak ang Bolts sa Gin Kings habang talsik ang FiberXers sa Rain or Shine Elasto Painters sa kani-kanilang best-of-three quarterfinals series.

Muling aasahan ng Meralco sina Chris Newsome, Chris Banchero, Bong Quinto, Cliff Hodge at Raymond Almazan katapat sina Alec Stockton, Jordan Heading, Schonny Wins­ton, Justin Arana at Justine Baltazar ng Converge.

Nakamit ng Bolts ang kauna-unahan nilang PBA crown matapos sapawan ang bigating San Miguel Beermen sa nakaraang Season 48 All-Filipino Conference best-of-seven championship series.

Sa unang laro, ang panalo rin ang hangad ng Fuel Masters at Dyip sa kanilang bakbakan.

“I’m sure Terrafirma will be coming in also with the same attitude, at least to get the first game,” wika ni Phoenix coach Jamike Jarin sa prangkisang sinasabing bibilhin ng isang shipping company.

Hindi pa nananalo ang Fuel Masters sa una nilang laro sa nakaraang tatlong kumperensya.

“If you look at it, we haven’t won an opening game in the past confe-rences,” dagdag ni Jarin.

Huli silang nanalo noong 2023-24 Commissioner’s Cup patungo sa semifinals.