KAT pinatatag kapit ng Knicks sa No. 3 spot sa East


MANILA, Philippines — Nagkadena si Karl-Anthony Towns ng 30 points at 11 rebounds para banderahan ang New York Knicks sa 121-105 pagpulutan sa Hawks.

Umiskor si OG Anunoby ng 24 points at nag-ambag ng 20 markers si Mikal Bridges para sa pagkapit ng New York (49-28) sa third place sa Eastern Conference.

Pinamunuan ni Trae Young ang Atlanta (36-41) sa kanyang 16 points at 9 assists para lampasan ang team record na 823 assists sa 1986-87 season.

Ang kabiguan ng Hawks ang tumiyak sa ka­ni­lang puwesto sa play-in tournament habang ang Milwaukee Bucks ang nakakuha ng playoff spot.

Hindi naglaro si All-Star point guard Jalen Brunson (right ankle sprained) para sa Knicks sa ika-15 sunod na pagkakataon.

Inilista ng New York ang 51-41 abante sa first half patungo sa 66-41 pagbaon sa Atlanta sa third period.

Sa Miami, humakot si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 36 points, 15 rebounds at 10 assists sa 121-115 overtime win ng Bucks (43-34) sa Heat (35-43).

Sa Philadelphia, bumira si Anthony Edwards ng 37 points habang humakot si Rudy Gobert ng 23 points at 19 rebounds sa 114-109 panalo ng Minnesota Timberwolves (45-32) sa 76ers (23-55).

Sa California, nagposte sina Kawhi Leonard at James Harden ng tig-29 points sa 135-104 pagmasaker ng Los Angeles Clippers (46-32) sa Dallas Mavericks (38-41).