2 bayan sa Pangasinan, isinailalim sa red tide alert


BAGUIO CITY, Philippines — Bina­laan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 ang mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin ng Bolinao at Anda na mag-ingat sa pagkain ng mga shellfish na may red tide toxins o saxitoxin.

Ito ay matapos impormahan ni BFAR Region 1 Director Rosario Segundina P. Gaerlan si Pangasinan Governor Ramon Guico III na nitong April 10, 2025, lumabas sa panghuli nilang laboratory analysis mula sa shellfish meat samples na kanilang kinolekta sa mga karagatan ng Bolinao at Anda ay nagpositobo sa red tide toxins.

Bunsod nito, hiniling ni Gaerlan ang tulong ng Provincial Government ng Pangasinan para sa kaukulang disiminasyon upang mabigyang babala ang publiko kaugnay sa nasabing sitwasyon na nagbunsod sa pagpapalabas ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng red tide alert dahil sa mga karagatan ng nasabing dalawang bayan na apektado sa saxitoxin.

Pinapayuhan ng BFAR ang mga tao na iwasang manguha, ibenta at kainin ang lahat ng isda at acetes sibugae o “alamang” o hipon mula sa baybaying dagat ng Bolinao at Anda.

Sinabi rin ng BFAR na ang isda, crabs at hipon ay ligtas na kainin kung ito ay nakuhang sariwa at natanggal ang bituka o lamanloob at nalinis nn mabuti bago ­iluto.