Dinah Sta. Ana: Serbisyo para sa kapwa niya OFW


Sa gitna ng krisis na naranasan din ng mga overseas Filipino worker sa Bah-rain noong pandemya ng Covid-19, isa nilang kapwa OFW na si Dinah Sta. Ana ang tahimik at simpleng tumutulong para maibsan ang dinaranas nilang mga pagdurusa, kahirapan at kagipitan sa naturang bansa.

Pero bago pa man naganap ang pandemya at pagkaraan nito, nagpapatuloy ang mga kawanggawang aktibidad ni Dinah para sa kanyang mga kababayan doon.  Binanggit niya sa isang panayam sa pamamagitan ng Facebook messenger na una siyang nasangkot noong 2014 sa isang organisasyon ng mga Pilipino sa Bahrain na “Filipino Ikaw Na,” na kinalaunan ay nakilala sa pangalang Pinay Ikaw Na! (PIN) at kanya ngayong pinamumunuan. Kasapi rin siya ng kawanggawang grupong Katolikong Pinoy sa Bahrain at ng Poor of Saint Anthony (POSA). Sa gitna ng mga kaabalahan niya sa pag-aasikaso niya sa kanyang pamilya (isang bankero sa Bahrain ang kanyang asawa at mga propesyonal na nga-yon ang tatlo niyang anak) ay nakakapaglaan pa siya ng oras sa kanyang mga kawanggawang aktibidad para sa kanyang mga kababayan.

Tatlumpu’t siyam na taon nang naninirahan si Dinah sa Bahrain. Tubong-Guimba, Nueva Ecija, nagtapos siya ng Bachelor of Arts in English sa isang kolehiyo sa Pilipinas. Una niyang naging trabaho rito ang stenographer at clerk stenographer bago siya nangibang-bansa. “Pumunta ako rito sa Bahrain noong September 1986. Para sa mas malaking sahod dahil ako ang breadwinner sa ina ko at kapatid na may karamdaman,” wika niya.

Naging secretary si Dinah sa isang contracting firm bago siya nalipat sa Gulf International Bank sa Bahrain na pinagtrabahuhan niya sa loob ng 25 taon bago siya nagretiro noong 2016. Dito na siya nagkaasawa at ang tatlo niyang mga anak ay pawang mga propesyonal na (merong duktor, dentista at sa business management). Pero sa gitna ng mga kaabalahan niya sa pag-aasikaso niya sa kanyang pamilya ay nakakapaglaan pa siya ng mga oras at maging ang sarili niyang bulsa sa mga kawanggawang aktibidad para sa kanyang mga kababayan.

Ayon kay Cecil Ancheta, isang Filipino staff ng Sherry International Media sa Bahrain, sinuportahan ni Dinah ang mga OFW  na pinahirapan ng krisis sa pandemya tulad ng pamamahagi ng mga pagkain, paglalaan ng mga bagay na kailangan nila, o pakikinig at pagpapayo sa kanilang mga problema. Kabilang sa mga ito ang mga OFW sa tourism at hospitality tulad ng mga  beauticians, barbers, hotel staff, waitresses, gym trainers, at massage therapists. 

Personal na sinasagot ni Dinah ang pambili ng tiket sa eroplano para sa mga OFW na napipilitang umuwi sa Pilipinas dahil wala silang makuhang trabaho. Nagbibigay ng regalo at iba pang pangangailangan sa mga nagipit na OFW na nagkakanlong sa embahada ng Pilipinas. 

Ang grupo niyang PIN ay aktibo sa pagkakawanggawa, sa pagpapaospital at pagpapagamot sa may sakit na OFW, at pag-alalay sa mga nagkaproblema sa trabaho. Katuwang din sila ng embahada, Overseas Workers Welfare Administration at Migrant Workers Office sa pagbibigay ng libreng mga pagsasanay sa mga OFW tulad ng sa dressmaking, food processing, massage therapy at haircutting para me-ron silang dagdag na magpapakitaan.

Isa si Dinah sa pinarangalan ng Philippine Embassy noong 2021 kaugnay ng National Women’s Month dahil sa natatangi niyang serbisyo sa mga OFW sa Bahrain lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Ang grupo niyang PIN ay ginawaran ng Marilag Award 2022 ng OWWA Bahrain dahil sa pagtulong nila sa mga distressed OFW. Noong 2023, nakatanggap siya ng Bayanihan Award for Humanitarian Services mula sa Order of the Knights of Rizal Bahrain. Nitong taon ding ito, noong Marso 14, 2025 ay ginawaran siya ng MWO at OWWA ng “Outstanding Woman Leader Award” bukod sa plaque of appreciation para sa grupong PIN.

Naging makahulugan ang 39 na taon niyang paninirahan sa Bahrain. “Sa ha-los, araw-araw na ginagawa ng Panginoong Diyos, nagpapasalamat ako nang may kababaang-loob dahil nagagawa kong damayan ang aking kapwa tao sa panahon ng kanilang pangangailangan. Labis akong nagpapasalamat kung anumang biyaya meron ako na nagagawa kong ibahagi sa aking kapwa,” sabi pa ni Dinah.