MANILA, Philippines — Dalawa pang foreign imports ang hinugot ng Creamline Cool Smashers upang palakasin pa ang lineup nito para sa AVC Champions League na idaraos sa Abril 20 hanggang 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ay sina Anastassiya Kolomoyets ng Kazakhstan at Anastasiya Kudryashova ng Russia na makakasama ni American outside hitter Erica Staunton.
May taas na 6-foot-0 si Kolomoyets na isang middle blocker habang 6-foot-4 naman si Kudryashova na nasa outside hitter position.
Malaking tulong ang pagpasok ng dalawa pang foreign imports upang mas lalo pang mas maging solido ang lineup nito.
Kasama rin sa bagong miyembro ng Cool Smashers si playmaker Rhea Dimaculangan.
Nais ng Cool Smashers na makaresbak matapos matalo sa finals kontra sa Petro Gazz sa katatapos na PVL All-Filipino Conference.
Kaya naman inaasahang magiging pukpukan ang ensayo ng Cool Smashers upang makabuo agad ng chemistry kasama ang mga bagong miyembro ng team.
Nasa bansa na sina Kolomoyets at Kudryashova habang naunang dumating si Staunton na nakapanood pa ng laban ng Cool Smashers sa finals ng PVL All-FIlipino Conference.
Makakasama ng imports ang local players na sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Jema Galanza, Bernadeth Pons, Tots Carlos, Bea De Leon, Pangs Panaga, Kyle Negrito, Kyle Atienza at Denden Lazaro.
Nasa Pool A ang Creamline kasama ang Zhetysu ng Kazakhstan at Al Naser ng Jordan habang nasa Pool B ang reigning PVL All-Filipino champion Petro Gazz at Pool D ang PLDT.
