MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Philippine Consulate sa Hongkong ang mga Filipino na laging mag-ingat at maging mapagmasid sa mga lokal na batas kapag sumasali sa mga pampublikong pagtitipon.
Sa inilabas na advisory ng konsulado, sinabi nito na base sa Hong Kong Public Ordinance, kailangan ng permiso kapag nag-organisa ng pampublikong pagtitipon.
Kailangan din aniyang magsumite ng written notification sa Commissioner of Police na hindi lalampas sa alas-11 ng umaga isang linggo bago ang pagtitipon.
“The Commissioner of Police has the authority to prohibit public meetings if deemed necessary in the interest of national security, public safety, order, or the protection of others’ rights and freedoms,” pahayag pa ng konsulado.
Ang sinumang mabibigo na sumunod sa restrictions na itinakda ng Commissioner ay maaring makulong ng hanggang 12 buwan at pagmumulta ng HK$5,000.
Ang kabiguan na magbigay kaalaman sa mga otoridad o masangkot sa kaguluhan habang nasa pagtitipon ay maaaring magkaroon ng mas mabigat na parusa kabilang ang pagkakabilanggo ng hanggang limang taon.
Pinayuhan din ng Konsulado ang mga Pinoy sa HK na magkaroon ng kaalaman sa mga local na batas para masiguro na ang anumang aktibidad sa publiko ay nagawa sa itinatakdang legal requirements.
