MANILA, Philippines — Halos lahat ay ginawa na ni Guillian Quines para sa Greenies.
Kumolekta si Quines ng 35 points, 11 rebounds, 5 steals at 4 assists sa 95-91 pagtakas ng College of St. Benilde-La Salle-Greenhills sa University of Perpetual Help System DALTA sa Game Two ng NCAA Season 100 juniors basketball finals kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumangon ang Greenies mula sa 96-100 kabiguan sa Game One para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series ng Junior Altas at itakda ang ‘winner-take-all’ Game Three bukas sa parehong venue.
May tsansa ang CSB-LSGH ni coach Ren-Ren Ritualo Jr. na muling magkampeon matapos noong 2017.
Napigilan naman ang target na series sweep ng Perpetual ni mentor Joph Cleopas para sa hangad na kauna-unahang NCAA juniors basketball crown sapul nang sumali sa liga noong 1984.
Itinala ng Greenies ang 11-point lead, 41-30, sa 8:12 minuto ng second period hanggang maagaw ng Junior Altas ang 82-76 bentahe sa likod nina Most Valuable Player Lebron Jhames Daep at Jan Roluna sa 5:18 minuto ng fourth quarter.
Ang agaw at basket ni Roluna ang nagbigay sa Perpetual ng 91-90 abante sa huling 25.4 segundo.
Sumalaksak si Migs Osis para sa kanyang layup na nagtaas sa CSB-LSGH sa 92-91 sa nalalabing 20.9 segundo.
Bigo ang Junior Altas sa kanilang posesyon na nagresulta sa dalawang free throws ni Osis para sa 94-91 kalamangan ng Greenies sa huling 10 segundo.