La Salle ibubulsa ang bonus


MANILA, Philippines — Puntirya ng De La Salle University na panain ang natitirang twice-to-beat advantage kaya sisikapin nilang makuha ang panalo pagharap nila sa Far E­astern University sa UAAP Season 87 wo­men’s volleyball tournament ngayong araw sa Araneta Coliseum.

Magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng DLSU at FEU sa alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng Ateneo at University of the East sa ala-1 ng hapon.

Mahigpit ang labanan sa No. 2 spot ng team standings kung saan ay kasalo ng Lady Spikers ang University of Sto. Tomas na may tig 9-4 baraha habang 8-5 ang tangan ng nasa No. 4 na Far Eastern University.

Nasungkit na ng defending champion National University ang isang bonus matapos masiguro ang No. 1 seeding pagkatapos ng eight-team double round robin, hawak nila ang 11-2 card.

May makukuhang incentives ang top two teams pagkatapos ng elimination round.

Huhugot ng lakas si DLSU head coach Ramil De Jesus kina dating Rookie/MVP Angel Anne Canino at Shevana Maria Nicola Laput para makuha ang inaasam na importanteng panalo.

Pinana ng Lady Spikers ang Lady Tamaraws, 25-17,25-20, 25-22 sa una nilang pagkikita sa first round kung saan ay tumikada si Laput ng 22 puntos.

Maliban kina Canino at Laput, posibleng mag-ambag sa opensa para sa Taft-based squad sina Amie Provido at AlleiahJan Malaluan.

Sina Faida Bakanke, Chenie Tagaod, Gerzel Mary Petallo at Jazlyn Ann Ellarina ang ipaparada naman ng FEU.