Grizzlies winalis ng Thunder | Pilipino Star Ngayon


MEMPHIS — Buma­nat si MVP finalist Shai Gilgeous-Alexander ng 38 points para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa 117-115 panalo sa Game Four at kumpletuhin ang 4-0 sweep sa Grizzlies sa kanilang Western Confe­rence first-round series.

Nagtala rin si Gilgeous-Alexander ng 5 rebounds, 6 assists at 2 steals habang humakot si forward Jalen Williams ng 23 markers at 5 assists para sa pagwalis ng Oklahoma City sa kanilang best-of-seven showdown ng Memphis.

Lalabanan ng Thunder sa second round ang mananalo sa first-round series ng Denver Nuggets at Los Angeles Clippers.

Hindi naglaro si superstar point guard Ja Morant para sa Grizzlies dahil sa left hip contusion.

Sa Inglewood, Cali­fornia, ipinasok ni Aaron Gordon ang buzzer-bea­ting slam dunk para sa 101-99 pagtakas ng Nuggets sa Clippers sa Game Four at itabla sa 2-2 ang kanilang bakbakan.

Sa Cleveland, umiskor si Jarrett Allen ng 22 points  habang may 21 mar­kers si De’Andre Hunter para gabayan ang Cleveland Cavaliers sa 124-87 pag­papalamig sa Heat sa Game Three at kunin ang 3-0 lead sa kanilang E­astern Conference first-round series.

Sa San Francisco, kumamada si Stephen Curry ng 36 points, 9 assists at 7 rebounds sa 104-93 panalo ng Golden State Warriors sa Houston Rockets sa Game Three at agawin ang 2-1 abante sa kanilang serye.