RoS kinapos sa Converge | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Malakas ang signal ng Converge kontra sa Rain or Shine, 107-97, para makasali sa mga lider papasok sa kalagitnaang bahagi ng 2025 PBA Phi­lippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.

Nalustay ng FiberXers ang maagang 10-puntos na bentahe subalit ibinuhos ang ngitngit sa fourth quarter kung saan tumirik ang Elasto Painters tungo sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay.

Matapos ang maalat na 1-2 simula, nakahabol na ngayon ang FiberXers sa mga trangko ng 12-team standings para sa tersera puwesto sa likod ng wala pang galos na Magnolia (4-0) at San Miguel Beer (3-1).

Nauna nang dinale ng mga bata ni coach Franco Atienza ang Blackwater, 111-80, at TNT, 100-94, na kagagaling lang sa dalawang sunod na titulo sa Governors’ Cup at Commissioner’s Cup.

Nagbuslo ng tig-24 puntos sina Alec Stockton at Schonny Winston para akuin ang opensa ng Converge na sumandal din sa height advantage at malagkit na depensa sa pamumuno ng twin towers na sina Justin Arana at Justine Baltazar.

Humablot ng 18 puntos at 17 rebounds sahog pa ang 6 assists at 3 steals si Arana habang tumabo naman ng 13 puntos at career-high na 22 rebounds ang No. 1 draft pick na si Baltazar kasama pa ang 3 assists, 1 steal at 3 tapal.

Mula sa 25-31 lead ng RoS sa first quarter, unti-unti itong tinapyas ng Fiber­Xers at naging dikdikan ang duwelo hanggang sa magpakawala ng 31-24 ratsada para lumayo sa hanggang 13 puntos tungo sa tagumpay.