2-0 lead kinana ng Pacers sa Cavs


CLEVELAND — Ipinasok ni Tyrese Haliburton ang isang three-point shot sa huling 1.1 segundo sa 120-119 pagtakas ng Indiana Pacers sa Cavaliers sa Game 2 at ilista ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference semifinals series.

Iniskor ng Indiana ang huling walong puntos sa loob ng 47.9 segundo para makabawi mula sa 81-98 pagkakabaon ng Cleveland sa fourth quarter.

“It’s the NBA, crazier things have happened. That’s just what basketball is. We don’t give up and we’re battle tested. We just find a way,” ani Haliburton na nauna nang naimintis ang kanyang layup.

Hinugot ni Haliburton ang 11 sa kanyang 19 points sa fourth period para sa Pacers na nakakuha kina Myles Turner at Aaron Nesmith ng tig-23 markers.

Bumanat si Donovan Mitchell ng 48 points para sa Cavaliers na naglaro na wala sina NBA Defensive Player of the Year Evan Mobley (left ankle), Darius Garland (left big toe) at key reserve De’Andre Hunter (right thumb).

Nakabalik ang Indiana sa likod nina Haliburton, Turner at Nesmith para agawin ang panalo.

Sa Minnesota, nagsalpak sina Buddy Hield at Draymond Green ng mga three-points habang nagkaroon si Golden State star Stephen Curry ng left hamstring strain sa 99-88 pagdaig ng Warriors sa Minnesota Timberwolves sa Game 1 ng kanilang Western Conference semifinals series.

Bumira si Hield ng 24 points tampok ang limang triples at may 18 markers si Green kasama ang apat na tres sa first half sa 1-0 lead ng Warriors sa duwelo nila ng Timberwolves.

Tumipa si Jimmy Butler ng 20 points, 11 rebounds at 8 assists para sa panalo ng Golden State sa Minnesota na nakahugot kay Anthony Edwards ng 23 points at 14 rebounds.