MANILA, Philippines — Humakot ang Philippines Behrouz Elite Swimming Team (PH BEST) ng anim na ginto, 12 pilak at pitong tansong medalya upang masungkit ang first place trophy sa katatapos na 2025 Junior National Championships na ginanap sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate, Manila.
Bumandera sa kampanya ng PH BEST si Filipino-British Hannah White na humakot ng dalawang ginto at tatlong pilak na medalya sa girls’ 13-year division.
Inilabas ni White ang matikas na porma nito upang pagreynahan ang 100m butterfly sa bilis na 1:07.34 habang namayagpag din ito 50m butterfly sa naitala nitong 30.03 segundo.
Nakalikom pa ito ng tatlong pilak na medalya sa 100m freestyle (1:03.19), 400m freestyle (4:58.68) at 50m freestyle (28.50).
“I am happy about the progress our swimmers that they made at the national tryouts. Their improved times are a testament to their hard work and the dedication of our coaching staff,” ani PH BEST team manager Joan Mojdeh.
Nagparamdam din ng lakas si Ana David nang humakot ito ng dalawang ginto, anim na pilak at isang tanso sa girls’ 15-year class.
Nanguna si David sa 200m freestyle (2:12.25) at 200m breaststroke (2:47.66) habang pumangalawa ito sa 400m freestyle (4:48.01), 200m butterfly (1:06.83), 50m freestyle (28.32), 200m IM (2:30.46), 100m freestyle (1:00.72) at 50m butterfly (30.39), at pumangatlo sa 200m butterfly (2:31.58).
Hindi rin nagpahuli si Yugo Cabana na may dalawang ginto at tatlong tanso sa boys’ 15-year category kung saan nangibabaw ito sa 200m butterfly (2:13.30) at 100m butterfly (59.15).
May tanso naman ito sa 10mm freestyle (55.68), 50m butterfly (27.24) at 200m IM (2:19.55).
Bumida rin si Palarong Pambansa qualifier Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh na nakahirit ng tatlong pilak at isang tanso sa boys’ 14-year class.
Pumangalawa ang Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout sa 200m butterfly (2:16.60), 400m IM (4:58.58) at 100m breaststroke (1:13.30) habang may tanso ito sa 200m breaststroke (2:41.03).
Nag-ambag ng dalawang tanso si Annika Quinto sa girls’ 14-year 50m backstroke (34.14) at 100m backstroke (1:12.74).
