MANILA, Philippines — Huhugot ng puwersa ang Letran kina Marie Judiel Nitura at Gia Marcel Maquilang sa pagharap nila sa Arellano University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Aarangkada ang paluan ng Letran at Arellano ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang banatan ng University of Perpetual Help System DALTA at San Sebastian College-Recoletos sa alas-12 ng tanghali.
Nais ng Lady Knights na tuhugin ang panalo sa Lady Chiefs upang palakasin ang kapit sa top spot at manatiling malaki ang tsansa sa asam na Final Four berth.
Bukod kina Nitura at Maquilang, sasandalan din ni head coach Oliver Almadro si Sheena Vanessa Sarie upang masungkit ang ‘twice-to-beat’ advantage na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng double round robin.
Hawak ng Intramuros-based squad ang 12-2 baraha, nasa pangalawang puwesto ang defending champion College of St. Benilde na may 11-2 baraha, habang magkasalo sa No. 3 ang Mapua University at Arellano na tangan ang parehong 9-5 karta.
Subalit paniguradong mapapalaban ang Lady Knights bago makuha ang panalo sa Lady Chiefs dahil may pag-asa rin ang kalaban nila sa bonus.
Maging ang No. 5 Lady Altas (8-5) ay puwede pa sa bonus.