Ika-2 dikit kinana ng TNT


MANILA, Philippines —  Kumonekta ang TNT Tro­pang 5G sa kanilang ika­­lawang sunod na pana­lo matapos pasabugin ang Terrafirma, 110-74, sa Season 49 PBA Philippine Cup ka­hapon sa PhilSports Are­na sa Pasig City.

Mula sa 0-3 panimula ay pinaganda ng Tropang 5G ang kanilang baraha sa 2-3.

Laglag ang Dyip sa pang-limang dikit na ka­malasan para sa 1-5 mar­ka.

“We know that this going to be a very tough conference, very tight race,” ani TNT coach Chot Reyes. “But our objective coming to this ball game was to make sure that we beat Ter­rafirma with our effort and energy.”

Tumipa si Calvin Ofta­na ng 22 points at may 19 at 12 markers sina Poy Erram at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.

Kaagad kinuha ng Tropang 5G ang 29-13 abante sa first pe­riod.

Tuluyan nang bumigay ang Dyip sa halftime, 35-51.

Inilista ng TNT ang isang 32-point lead, 82-50, galing sa jum­per ni Erram sa huling 2:53 ng third quarter.

Mula rito ay hindi na na­­kalapit ang Terrafirma na nakahugot kina Louie Sangalang at Mark Nonoy ng tig-16 points.

Samantala, magtutuos ang Barangay Ginebra at Converge ngayong alas-7:30 ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.

Bitbit ng FiberXers ang 4-2 record, habang may 2-2 kartada ang Gin Kings.

Nasa isang three-game wining streak ngayon ang Con­verge kasama ang 107-97 panalo sa Rain or Shine noong Abril 30.

Galing ang Ginebra sa 86-89 kabiguan sa NLEX sa huli nilang laro.