MANILA, Philippines — Ang Vietnam team ang unang makakatapat ng Gilas Pilipinas Youth sa pagdribol ng FIBA U16 Asia Cup SEABA qualifiers sa Mayo 24 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Ito rin ang magsisilbing coaching debut ni Barangay Ginebra veteran point guard LA Tenorio.
Noong Nobyembre hinirang ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang 40-anyos na si Tenorio bilang bagong head coach ng Gilas Youth.
Kamakailan ay inilagay ng Gin Kings ang five-time PBA champion guard sa unrestricted free agency para tutukan ang preparasyon ng national youth team sa SEABA qualifiers.
“It has been tough because of the availability of the players. It has been a big challenge to get a complete team but the players have been working hard and are completely committed to what we’re trying to do,” ani Tenorio.
Bukod sa Pilipinas at Vietnam, ang iba pang kalahok sa SEABA qualifiers ay ang Malaysia, Indonesia, Singapore at Thailand.
Matapos ang Vietnam ay haharapin ng Gilas Youth ang Thailand sa Mayo 25, ang Singapore sa Mayo 26, ang Indonesia sa Mayo 28 at ang Malaysia sa Mayo 29.
Nauna nang naglaro sa nasabing torneo sina Arvin Tolentino (2011), Kobe Paras (2013), SJ Belangel at Juan Gomez de Liano (2015), Kai Sotto (2017) at Kieffer Alas (2023).