Bolts, Tropang 5G basagan sa panalo


MANILA, Philippines — Puntirya ng nagdedepensang Meralco ang ikalawang sunod na panalo habang ang pangatlong dikit na ratsada ang hangad ng TNT Tropang 5G sa ka­nilang duwelo sa Season 49 PBA Philippine Cup.

Maghaharap ang Bolts at Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang tagayan ng San Miguel Beermen at Phoenix Fuel Masters sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Itinakas ng Meralco ang dramatikong 105-104 panalo kontra sa NorthPort tampok ang short stab ni Bong Quinto sa huling 2.7 segundo para tapusin ang kanilang three-game lo­sing skid.

“We are struggling. The last two games have been tough. We’ve been getting beat, black and blue. Tala­gang nilalampaso kami. But sometimes, when things are not going your way, you have to gut it out,” ani Bolts coach Luigi Trillo.

Dalawang sunod na panalo naman ang ikina­dena ng TNT matapos ang 0-2 panimula para buhayin ang pangarap na PBA Grand Slam.

Unang tinalo ng Tropang 5G ang Beermen, 89-84, bago isinunod ang Terrafirma Dyip, 110-74.

“We have to play a lot more, tougher games,” wika ni TNT mentor Chot Reyes sa pagsagupa nila sa Meralco.

Sa unang laro, pipilitin ng San Miguel (3-2) na makabangon mula sa pagkatalo sa TNT, samantalang ang back-to-back wins ang puntirya ng Phoenix (2-3).

“They’re coming off a loss,” ani Fuel Masters coach Jamike Jarin sa Beermen. “We know they’re gonna be prepared. Parang pareho lang kami na one-week break so they’re going to be fresh. Let’s see.”

Nagmula ang SMB sa 84-89 pagyukod sa TNT, habang umiskor ang Phoenix ng 95-81 panalo sa TNT sa mga huli nilang laro.