Cone positibo sa laban ng Gilas sa Qualifiers


MANILA, Philippines — Optimistiko si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa magiging laban ng kaniyang bataan sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos ilabas ang draw ng torneo kama­kailan sa Doha, Qatar.

base sa draw ay makakasama ng Gilas Pilipinas ang powerhouse teams Australia at New Zealand gayundin ang Guam sa Group A.

Para makasiguro ng tiket sa FIBA World Cup proper ay kailangan ng Gilas Pilipinas na makapasok sa Top 7.

Alam ni Cone mahirap ang pagdaraanan ng kaniyang tropa para maisakatuparan ito.

Subalit alam din nito na kaya ng Gilas Pilipinas na makuha ito lalo na kung magiging pukpukan ang preparasyon ng Pinoy squad para sa ilang serye ng windows na magsisi­mula sa Nobyembre.

Kasalukuyang nasa No. 7 spot ang Australia sa world rankings ng FIBA.

Nasa No. 22 naman ang New Zealand habang No. 34 ang Gilas Pilipinas.

Iginiit din ni Cone na ka­ilangang maging healthy ang lahat ng miyembro ng Gilas Pilipinas pool partikular na si Kai Sotto na isa sa inaasahan ng tropa.

Malaki ang ambag ni Sotto lalo na sa tuwing ka­laban ng Gilas Pilipinas ang matatangkad na teams gaya ng Australia at New Zealand.

Sa katunayan, maganda ang inilaro ng 7-foot-3 Pinoy cager nang talunin ng Gilas Pilipinas ang New Zealand noong nakaraang taon sa isang window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.

Nagpapagaling pa si Sotto matapos sumailalim sa operasyon noong Pebrero dahil sa ACL injury.

“Let’s just get Kai back and healthy,” ani Cone sa isang panayam