Hiyasmin (290) | Pilipino Star Ngayon


Hindi pa rin makapani­wala si Mama Lira sa hiniling ni Hiyasmin na ipa­dala sa messenger nito ang photo ng amang si Ra­shid. Ano ang naisipan ni Hi­yas­min at biglang ni-request ang nakatagong picture ng ama na ipadala.

“Ipadala mo agad ‘Ma. Kailangan ko ang photo ni Papa. Kahit di mo na pala i-scan ang photo. Basta kunan mo lang sa pamamagitan ng cell phone at ipadala mo sa messenger ko.”

“Sige. Pero puwede mo bang sabihin sa akin kung bakit?”

“Saka na lang—kapag tama ang hinala ko.”

“Anong hinala?”

“Saka na lang ‘Ma. Sige na, ipadala mo na sa akin ang photo ni Papa.”

“Okey. Ingat ka diyan.”

“Ingat ka rin ‘Ma.”

“Kailan ba ang uwi mo?”

“Next week parating na ako. Matatapos na ang ad congress.”

“Okey, sige.”

Napangiti si Hiyasmin pag­katapos makausap ang kanyang mama. Kahit hindi niya nakita ang itsura ng ina habang kausap kanina, mahahalata ang labis na pagtataka kung bakit biglang-biglang ni-re­quest niya ang photo ng amang Kuwaiti.

Pero hindi muna dapat ma­l­aman ng kanyang mama ang dahilan. Kapag nagkatotoo na ang kanyang hinala saka niya sasabihin.

Ang purpose niya kaya ni-request ang photo ng ama ay para maging katibayan. At sana nga ay tama ang kanyang kutob. Kung totoo ang nasasaisip niya, siya ang pinakamaliga­yang tao sa mundo.

Habang iniisip iyon, naalala naman niya ang huling sinabi ni Mary Underwood na nagkaroon pala ito ng Pinay na nanny o maid noong bata pa ito. At ayon kay Mary, ang nanny ang nagturo sa kanya ng Filipino language.

Nang itanong niya rito kung buhay pa ang nanny, hindi raw siya sure. At nakiusap ito sa kanya na ma-locate ang Pinay na nanny.

Nangako naman si Hiyasmin kay Mary na tutulungan.

Bukas, marami pa raw ikukuwento sa kanya si Mary. At hindi na naman maipaliwanag ang kasiyahang na­darama ni Hiyasmin sa muling pakikipagkita kay Mary Underwood.

(Itutuloy)