Abueva ipaparada ng NorthPort vs TNT


MANILA, Philippines — Ipaparada ng NorthPort at TNT Tropang 5G ang kanilang mga bagong hugot sa Season 49 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Isasalang ng Batang Pier sina Calvin Abueva at Jerrick Balanza sa pagharap sa Tropang 5G na itatampok si Fil-Australian Jordan Heading ngayong alas-5 ng hapon.

Nakuha ng NorthPort ang 37-anyos na si Abueva kasama si Balanza at isang second-round pick sa Season 51 draft matapos ibigay si William Navarro sa Magnolia.

Maglalaro naman si Heading sa TNT makaraang dalhin si Fil-Am Mikey Williams sa Converge.

Nasa isang four-game winning streak ang Tropang 5G matapos ang 0-3 panimula, habang bagsak sa anim na dikit na kabiguan ang Batang Pier.

Nangunguna ang Mag­­nolia tangan ang 7-1 baraha kasunod ang San Miguel (6-2), NLEX (6-2), Barangay Ginebra (5-2), Rain or Shine (5-3), TNT (4-3), Converge (6-4), nagdedepensang Meralco (5-5), Phoenix (2-6), NorthPort (1-6), Blackwater (1-7) at Terrafirma (1-8).

“Our approach is just to make sure to get better every game and to do that we have to make sure we get good practices,” ani Tropang 5G coach Chot Reyes sa pagharap nila sa Batang Pier.

Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay mag­lalaban ang Bolts at Gin Kings.

Sumasakay ang Ginebra sa isang three-game winning run, habang dalawang sunod na panalo ang kinuryente ng Meralco para sa tsansa sa quarterfinals.