LAOAG CITY, Ilocos Norte, Philippines — Kasabay ng ratsada ng National Capital Region ay ang pagkolekta ni Naina Dominique Tagle ng Region VII (Central Visayas) ng apat na gold medals sa archery event ng 65th Palarong Pambansa kahapon dito sa Venvi Realty Corp. State Open Field sa San Nicolas.
Pumana si Tagle ng 337 sa 60-meter at 1294 sa 1140 Round para idagdag sa nauna niyang dalawang ginto sa 30m (343) at 50m (306).
Sa 2024 Palaro sa Cebu City ay kumolekta ang Grade 11 student ng Silliman University ng apat na golds sa 1440 Round, 60m, 70m at Olympic Round.
“I just trained hardest. Like I trained as much as I could. I prayed to God, you know that’s important and that’s how I prepare,” wika ni Tagle na ginagabayan nina dating Olympians Jennifer Chan at Rowel Merto.
Nakatakda pang puntiryahin ni Tagle ang mga ginto sa Olympic Round, women’s team at mixed team categories para maging most bemedalled athlete sa 2025 Palaro.
Samantala, halos pormalidad na lamang ang kailangan ng NCR para makopo ang ika-18 sunod na Palarong Pambansa overall crown.
Humakot ang mga Big City athletes ng 73 golds, 51 silvers at 27 bronzes kasunod ang Region IV-A (Calabarzon) na may 30-44-40 at Region Vi (Western Visayas) na kumolekta ng 24-33-27 medalya.
Nang magdomina sa 2024 Palaro sa Cebu City ay nag-uwi ang Big City athletes ng 98 golds, 66 silvers at 74 bronzes.
Sa paramihan ng individual medals ay may tig-limang ginto sina gymnasts Arman Hernandez, Jr. (elementary) ng NCR at Sheena Jillianne Ty (elementary) ng Region III (Central Luzon), swimmers Sophia Rose Garra at Titus Rafael Sia (elementary) ng NCR.