LAOAG CITY, Ilocos Norte, Philippines — Muling hinirang ang National Capital Region bilang overall champion sa ika-18 sunod na pagkakataon sa 65th Palarong Pambansa kahapon dito sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium Track and Field.
Kumolekta ang NCR ng 103 gold, 65 silver at 44 bronze medals para patuloy na ipakita ang dominasyon sa taunang sports event para sa mga student-athletes na may edad 18-anyos pababa mula sa 18 rehiyon.
Sumegunda ang Region IV-A (Calabarzon) na humakot ng 39 ginto, 61 pilak at 55 tanso kasunod ang Region V (Western Visayas) na kumolekta ng 36-45-44 medalya at Region XI (Davao Region) na may 36-22-33.
Noong 2024 edition sa Cebu City ay humakot ang mga Big City athletes ng kabuuang 98 golds, 66 silvers at 74 bronzes.
Sunod na idaraos ang 2026 Palaro sa Prosperidad, Agusan Del Sur.
Tampok sa ratsada ng NCR sina swimmers Titus Rafael Sia at Sophia Rose Garra na lumangoy ng tig-pitong gintong medalya.
May anim namang ginto sina Bhenz Rudolf, Owen Semilla ng Region XI (Davao Region) sa secondary boys’ dancesport, habang may tig-lima sina gymnasts Arman Hernandez Jr. (NCR) at Sheena Julliane Ty (Region III), swimmer Patricia Mae Santos (NCR) at archer Naina Dominique Tagle ng Region VII (Central Visayas).
Sa secondary boys’ 5-on-5 basketball, tinalo ng Davao Region ang Western Visayas, 67-51, para angkinin ang gold na naisuko ng NCR matapos masibak sa quarterfinals.
Hinirang na overall champion ang Davao Region sa Dancesport sa nahakot na 14 golds, 3 silvers at 6 bronzes.