KMS humataw ng ika-2 panalo sa SGVIL


MANILA, Philippines —  Pinatumba ng King’s Montessori School ang California  Academy, 25-18, 27-25, para sa ikalawang sunod na panalo sa Pool C ng 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 kahapon sa La Salle Green Hills Gym

Bumida sina Paula Palma at Sheniry Neverio sa second set para para sa 2-1 baraha ng Lady Vikings sa pinakamala­king grassroots volleyball league na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Umiskor si Palma ng siyam na puntos at may anim na marka si Neverio para sa pagpapatibay ng KMS sa tsansa sa knockout quarterfinals matapos matalo sa Arellano University sa una nilang laro.

Sinandigan ng Cal Ba­bies sina Mhonnieck Soliven at Diosa Perez na naglista ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, dinaig ng Emilio Aguinaldo College ang Lyceum of the Philippines University, 25-19, 25-17, para sa 2-0 record sa Pool A ng torneong itinataguyod ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo at Smart.

Bagsak ang Junior Lady Pirates sa 1-1 marka.

Itinakas naman ng De La Salle-Zobel A ang 25-20, 19-25, 25-21 panalo laban sa Corpus Christi School sa Pool C, habang tinalo ng Chiang Kai Shek College ang Holy Rosary College, 25-21, 25-21, para sa 2-0 sa Pool B.

Parehong may 0-2 baraha ang Corpus Christi at Holy Rosary.