PORMAL ngayong itatalaga ni President Ferdinand Marcos Jr. si Major General Nicolas Torre III na ika-31 hepe ng Philippine National Police sa seremonyang gagawin sa Camp Crame sa Quezon City. Papalitan ni Torre si General Rommel Marbil na nagretiro sa serbisyo.
Sa kasaysayan ng PNP, si Torre ang pinakamabilis ang pag-akyat sa mataas na posisyon. Nagsimula ang lahat noong Setyembre 8, 2024, nang pangunahan niya ang paglusob sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound na pinagtataguan ni Pastor Apollo Quiboloy. Naaresto si Quiboloy at limang iba pa na nahaharap sa qualified human trafficking at child abuse. Si Torre na noon ay Police Region XI Director, ay matapang na nagsabi na hindi sila aalis ng kanyang 2,000 pulis sa KOJC compound hangga’t hindi nakukuha si Quiboloy at iba pa. Nagtagumpay si Torre na makuha ang pastor na hindi dumanak ang dugo.
Ilang buwan makaraan ang pag-aresto kay Quiboloy, itinalaga si Torre na hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sa pagiging CIDG chief, naatang sa kamay ni Torre ang pag-aresto kay dating President Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa request ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crime against humanity dahil sa kampanya laban sa droga. Matagumpay na nadala sa The Hague, Netherlands ang dating Presidente.
Mahigit dalawang buwan ang nakalipas mula nang maaresto si Duterte, itinalaga si Torre na PNP chief. Siya ang kauna-unahang PNP chief na nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Pamumunuan ni Torre ang 228,000 pulis sa buong bansa. Sa pag-upo niya bilang PNP chief, dito lubusang masusubukan ang husay at galing niya. Hindi biro ang pamumuno sa mga pulis na ngayon ay nahaluan na ng mga “bugok”. Marami sa mga pulis ngayon ang sangkot sa masamang gawain—protector ng drug syndicate, nagre-recycle ng droga, lider ng kidnapping group, hulidaper, gunrunner, at marami pang masasamang gawain na naging dahilan para maging marungis ang image ng PNP. Bagsak ang PNP sa paningin ng mamamayan. Pinabagsak ng mga sariling miyembro.
Nagawa ni Torre na maaresto ang mga maiimpluwensiyang tao, maaresto rin kaya niya ang mga masasamang pulis. Kaya ba niyang linisin ang maruming PNP? Kapag nagawa niya, lilikha siyang muli ng kasaysayan.
