Naduduwag si Chiz? | Pilipino Star Ngayon


SA tingin ko, nabahag ang buntot ni Senate President Chiz Escudero sa impeachment ni Vice President Sara Duterte. Kahit marami ang bumabatikos sa kanya at nagsasabing simulan na ang pagdinig ng Senado sa impeachment complaint ay dedma pa rin si Chiz. Sabi pa ni Chiz, hindi raw siya nadidiktahan. Sabi ng mga bumabatikos, puro na lang pahayag ng petsa sa paglilitis subalit iuurong din naman pala.

Marami ang nagnanais na simulan na ang impeachment upang tuluyan nang mawala sa agam-agam na may kinikilingan si Chiz. Nasa kamay na ni Chiz ang bolang kristal kung may kasalanan si Sara. Ilan sa anomalya ni Sara ay ang hindi maipaliwanag na paggastos ng intelligence fund ng OVP at Department of Education (DepEd).

Nagsagawa ng imbestigasyon ang House quad committee­ at maraming natuklasan. Maraming pangalan na lumutang na tumanggap ng acknowledgement receipts ng intel funds. Ka­bilang ang pangalan ni Mary Grace Piattos sa mga tumanggap ng pera. Pero nang tingnan sa PSA ang record ni Piattos, walang nakasaad doon. Lumalabas na peke ang pangalan na nilagda sa acknowledgement receipts.

Bukod kay Mary Grace Piattos, tumanggap din ng confidential funds sina Kokoy Villamin, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova, Chippy McDonald, Pia Piattos-Lim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, Dodong S. Barok, Marian Rivera at Chel Diokno.

Bukod sa mga kaduda-dudang pangalan, kabilang din sa tatalakayin sa impeachment ang ipinahayag ni Sara noong Nobyembre 2024 na may kinausap na siyang tao na papatay kay President BBM, FL Liza at House Speaker Martin Romualdez kung may mangyayari sa kanyang buhay. Kaya na­kapagtataka kung bakit urong-sulong si Chiz na masimulan ang impeachment trial ni Sara.

Noong isang araw may nagsabing naduduwag daw si Chiz kay Sara kaya hindi sinisimulan ang impeachement proceedings. Pero to the rescue naman si Sara at Sinabing hindi duwag si Chiz. Batid daw ni Sara na matapang ito sa lahat nang labanan.

Natatandaan ko noong maisumite na ng House of Representaives sa Senado ang impeachment cases laban kay Sara, sinabi ni Chiz na sa Hunyo 2 ilalahad ang impeachment case. Pero biglang ni-reset ni Chiz at sinabing sa Hunyo 11 na dahil maraming prayoridad na batas na diringgin. Pero ang petsang yun ang huling araw ng session ng Senado.

Habang urung-sulong si Chiz, kumilos na ang mga kaalyado ni Sara at naghain na ng petisyon na i-junk ang impeachment case kay Sara.

Sa tingin ko, naduduwag talaga si Chiz kaya ayaw simulan ang pagdinig sa impeachment case.