MANILA, Philippines — Makikilala na ang No. 1 pick sa taong ito sa gaganaping 2025 Premier Volleyball League (PVL) Annual Rookie Draft sa Novotel Hotel sa Cubao, Quezon City.
Nakatakdang umarangkada ang programa sa alas-7 ng gabi kung saan nasa kamay ng Capital1 Solar Spikers ang pagkakataong pangalanan ang No. 1 overall pick.
Nangunguna sa listahan bilang top pick si three-time UAAP MVP Bella Belen ng National University matapos ang impresibong ipinamalas nito sa kaniyang collegiate career.
Maliban kay Belen ay may 56 pang aspirante ang hangad na makapasok sa kauna-unahang professional league sa bansa.
“After one year and three months, we’re finally close to completing this team,” ani Roger Gorayeb na dating coach ng Capital1 at ngayon ay magsisilbi nang team consultant.
Umaasa si Gorayeb na makatutulong nang husto sa kanilang tropa ang mga makukuha nito sa draft.
Hahawakan na ang Solar Spikers ni Brazilian Olympic coach Jorge de Brito na siya ring head coach ng Alas Pilipinas.
Hindi makakadalo si Belen sa draft dahil kasama ito ng Alas Pilipinas sa AVC Cup sa Hanoi, Vietnam.
Sunod na pipili ang Galeries Tower, Farm Fresh, Nxled, ZUS Coffee, Cignal, Choco Mucho, Chery Tiggo, PLDT, Akari, Petro Gazz at Creamline.
